Ilang tala sa pangarap, lumbay, pag-ibig, atbp.

August 1, 2009

Tahimik na namumuhay ang mga nagwaksi ng pangarap. Kumakain ng almusal, tanghalian at hapunan habang tahimik na inilalahad sa isa’t isa ang ginawa kanina o kahapon sa tinig na walang pagnanais bumalik. Malagim ang parusa sa mag-iisip kung ano ang mayroon sa karatig-pook. Kung minsan, lumalabas ng bahay, naglalakad paikot ng bayan, pa-kung saang malapit din naman sa uuwian. Ang turing nila sa panaginip ay nakakahawang sakit. Kung minsan, sa kalagitnaan ng araw, may bigla na lang mapapaluha at magnanais kumawala, ngunit walang magtatangkang mag-ungkat kung bakit, ni walang isang lumalapit.
***
Noong bata pa ako, sa pagtitipon ng pamilya, itinayo ako sa mesa at pinaawit sa gitna ng lahat. Sabi ng lolo ko, ‘makinig kayo, parang tawag ng tanghalan.’ Umawit ako at sumabay sila sa pag-awit ko. Nilakasan ko ang tinig para mangibabaw ang akin. Hindi ako tumigil hangga’t hindi lahat nakatingin.
***
Nais mo bang magtungo doon?
Hindi nila pinangalanan ang kanilang bayan, dahil para saan pa? Ni hindi nga nila bininyagang sa kanila ang mga ariariang iiwan sa oras ng kamatayan. Sa bayang ito, sumisibol ang mga halaman sa tamang pagkakataon at hindi nila pinagluluksa ang bawat paglagas ng taon. Kung tatanungin mo ang isa kung iniibig nito ang asawa, magmamakata ang dila ng lalaki at hahanapin mo ang kaba sa isusunod niyang pagtawa ngunit hindi mo ito makikita.
***
Sabi ng maestro noon, kailangan nating makagawa ng paraan bago matupok ng araw ang mundo. Isinapuso ko ito.

Ang Kreyn

Inaakyat na
ng kreyn
ang mga bloke
ng kongkreto.

Mamaya’y
hihinto na
pagwakas ng
madaling-araw.

Kay taas,
kay tapang
na tutulay
sa kalawakan.

***
Doon ko ninanais mamuhay sa kabila ng nag-iisang pangamba kung ano ang itutugon ko sakaling magpaturo na ang anak ko kung paano magpalipad ng saranggola.
***
Tapos na ang pagtitipon at umaawit pa rin ako. Gusto kong awitin ang lahat ng nakikita ko. Nang naubos ang lahat, umakyat ako ng puno’t tinanaw ang iba pang maaaring awitin. Hanggang nakita kong papalapit ang madilim na ulap. Tila bangkay na ang lahat ng inaanod: ang pabrika, palengke, ang matatayog na gusali, kasama ang lahat ng aking pinaka-iniibig na nakikiusap na magpaanod na lang ako kasama nila.
Ninais kong magtungo sa pampang nang pakiusapang bumalik na sa bahay at tapusin ang mga naiwang takdang-aralin.
***
Gagawin ko ito para sa iyo.
Hindi kita masasamahan.
***

Bagong Buhay

Sa wakas ng pangamba,
ang payapang ilog.
Dumulog sa kanyang utos:

Lumihis sa lahat ng nais.
Tularan ako: itinikom
ang isip sa paglusong.

Madali lang: lunurin
ang lumang ikaw,
umiwas sa tingin ng takot.

Baka palarin ka tulad ko:
hinatak pailalim
ng sariling walang ulo.

Bigat ng katawan niya’y
pangako ay payapa.
Siya ang bagong ikaw.

Hagkan. Huwag kaawaan.
Titigan akong
nalulunod sa ligaya,

kayakap ang kinabukasan:
katawang nanginginig,
kaniig ang lamig.

***
Balikan mo ang bata sa pampang. Susunduin mo siya o susunduin ka niya. Depende kung kuntento ka.